Inatasan ang Philippine National Police na magkaroon ng malalim na imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang siklista na narekober ang katawan sa Kawit, Cavite noong ikatlo ng Oktubre.
Ayon sa PNP report nitong Sabado, inakala ng mga imbestigador na ang natagpuang bangkay ni Kenneth Ponce sa kahabaan ng Abaya Road sa Barangay Tabon ay bunga ng hit-and-run.
Ngunit nang suriing mabuti ang katawan ni Ponce ay nakitaan ng bala ng baril na nagsanhi ng kaniyang pagkamatay.
![](https://static.wixstatic.com/media/9d10fd_f1037c9746f048a7962450e8e20af909~mv2.jpg/v1/fill/w_720,h_624,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/9d10fd_f1037c9746f048a7962450e8e20af909~mv2.jpg)
Nawawala rin ang mountain bike ni Ponce at tinitingnan ng mga pulis ang posibilidad na pinatay siya ng mga salarin.
“Nakarating sa akin ang apela ng mga magulang ng isa nating kababayang bike rider na walang awang pinatay at pinagnakawan pa ng bisekleta sa Cavite," pahayag ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar.
“Inatasan ko na ang mismong RD, PRO4A PBGen Ely Cruz na tutukan ang kasong ito at gawin ang lahat upang matukoy at mapanagot ang sinumang may kagagawan ng krimeng ito." Saad pa nito.
Inatasan rin ni Eleazar ang mga unit commander na alamin ang oras at ruta na tinatahak ng mga siklista para masiguro ang kaligtasan nila ng mga police patrols.
“Hindi natin hahayaan na manaig ang takot sa ating mga bike riders na gusto lamang magpalakas ng resistensya sa gitna ng hinaharap nating pandemya,” dagdag pa ng PNP chief.
Samantala, nagbigay na ng opisyal na pahayag ang alkalde ng Kawit na si Mayor Angelo Aguinaldo sa kaniyang Facebook account, kung sino man ang makapagtuturo sa mga suspek sa pulisya ay bibigyan ng pabuyang nagkakahalaga ng 100,000.
Balita ni Camille Consunji
コメント