![](https://static.wixstatic.com/media/9d10fd_83b6c1b95d7342d3a9639227335cd85a~mv2.png/v1/fill/w_620,h_413,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/9d10fd_83b6c1b95d7342d3a9639227335cd85a~mv2.png)
Pinaalalahanan ng Bankers Association of the Philippines (BAP) nitong Biyernes ang banking public na panatilihing secure at confidential ang kanilang impormasyon sa bank account, sa gitna ng mga ulat ng pagkawala ng kanilang mga pera sa bangko, mga hindi awtorisadong withdrawals at mga fund transfer scam.
“Huwag magbigay ng mga impormasyon tungkol sa ating bank account na personal identifiable information. Iyan ho ‘yung ating pangalan, date of birth, password at ano pang bagay na magpapatunay sa pagkatao ni Juan dela Cruz,” pahayag ni BAP President Jose Arnulfo Veloso.
Nauna nang tinantiya ng grupo na mahigit P1 bilyong halaga ng pinaghirapang pera ang nawala ngayong taon dahil sa pandaraya, kabilang ang hindi awtorisadong withdrawal at fund transfers.
Ipinunto ni Veloso na ang mga scammer na nakakuha ng pangunahing impormasyon ng isang indibidwal tulad ng numero ng telepono, e-mail address at petsa ng kapanganakan, ay maaaring mahulaan ang password ng kanyang bank account gamit ang isang algorithm.
“Kaya parati namin sinasabi gawing secure ang password at huwag ibinibigay ang kahit na anong impormasyon kahit kanino,” dagdag pa niya.
Makikipagtulungan rin ang BAP sa Justice Department upang matugunan ang cyber crime issues.
Balita ni: Ellard Ordoñez
Comments